Thursday, October 10, 2013

WIKA NATIN ANG DAANG MATUWID

         WIKA NATING ANG DAANG MATUWID
                            
            Sinasabing ang wika ang isa sa mga pagkakakilanlan ng isang bansa. Sa wikang ginagamit ng isang indibidwal ay nalalaman ang bansang kinabibilangan at kulturang pinanggalingan. Sa tema ng Linggo ng Wika sa taong ito, ipinararating sa atin na ang Wikang Filipino ay ang Wikang Panlahat na nangangahulugang ang Wikang Pambansa, iisang lengguwahe na nagbubuklod sa mga Pilipino sa pagkamit ng iisang mithiin tungo sa matagumpay na kinabukasan. Sa paksang ito, ang wikang Filipino ay ang ilaw at lakas ng isang bansa tungo sa matuwid na landas.  Ang ilaw sa pang araw-araw na kahulugan ay nagsisilibing gabay sa atin na kung ihahalintulad sa wika, ito ang gumagabay sa pagkakaunawan ng bawat Pilipino. Halimbawa na lamang, ang Ingles ang midyum na ginagamit sa pagtuturo sa paaralan ngunit sa mga pagkakataon na kailangan ng kaliwanagan sa paksang itinuturo ng isang guro ay hindi naman natin maiiwasan na hindi gamitin ang sariling wika upang mas maintindihan ito.Mula nga sa iniwang kasabihan ng ating magiting na bayani na si Dr. Jose P. Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”  Hindi ibig sabihin na sa mga iba’t ibang lengguwaheng natututunan natin ay kakalimutan na natin ang sarili nating wika. Sa dalawampu’t dalawang wikang pinag-aralan ni Dr. Rizal, mas pinahalagahan pa rin niyang pagyamanin ang sariling wika dahil ito ang nagsisilbing sariling pagkakakilanlan ng isang tao, ng pagka-Pilipino.Sa modernong panahong kinabibilangan ng mga Pilipino, hindi nagpapahuli ang wika natin sa mga social networking site na isa sa mga makabagong pagpapahayag ng mga ideya, kaalaman, at komento sa mga napapanahong isyu. Nandyan ang Facebook, Twitter, Tumblr at iba pang mga site sa pakikipagkomunikasyon.  Ito ay isang patunay na kahit na magkaroon man ng mga teknikal na pagbabago sa ating lipunan nandyan pa ring matatag at sumasabay sa agos ang ating wikang Filipino. Ang iisang wika ng isang bansa ay ang siyang sandata sa patuloy na inaasam na pag-unlad at pagbabago sapagkat kung hindi magkakaintindihan ang bawat mamamayan ay sadyang malayong matupad ang mga inaasam. Bilang pambansang wika ng mga Pilipino, ang Wikang Filipino ay nagsisilbing tunay na lakas na patuloy dapat nating pahahalagahan, pagyayamanin at ipagmamalaki upang marating ang tanging daan patungo sa hangarin na magkaroon ng matuwid na kinabukasan.           
 

No comments:

Post a Comment